Share this Post!

MANILA, Philippines — Palalawakin pa ng Quezon City Local Government ang suporta para sa mga Micro Small and Medium Enterprises (MSMEs) sa lungsod sa tulong ng Food and Drug Administration (FDA).

Ito ay matapos na lumagda sa isang memorandum of agreement (MOA) sina  Mayor Joy Belmonte at FDA Director General Samuel Zacate para sa pilot launching ng progra­mang ‘Bigyang-halaga, Bangon MSMEs’.

Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tulungan ang mga lokal na negosyante, partikular ang micro, small, at medium enterprises, na mapalago ang kanilang mga produkto at maibenta ito ma­ging sa international market.

Sa ilalim nito, susuportahan ng FDA ang mga MSMEs sa lungsod na makasunod sa health at safety standards at sa food and drug regulations para masigurong ang kanilang mga produkto ay maging ligtas, epektibo at de kalidad.

Ayon sa FDA, kabilang sa makikinabang dito ang mga food business operators at cosmetics business sa lungsod na bibigyan ng tulong teknikal at pagsasanay para makakuha ng awtorisasyon at sertipikasyon, gaya ng license to operate, certificate of product registration at good manufacturing practice.

Ayon naman kay QC Ma­yor Joy Belmonte, malaking oportunidad ang bubuksan ng naturang partnership para maging export quality ang mga produkto sa lungsod.

Ang QC ang unang LGU na naging bahagi ng implementas­yon ng ‘Bigyang-halaga, Ba­ngon MSMEs’ o ‘BBM-MSMEs’.

Sinabi ni Belmonte na  pinahahalagahan ng lokal na pamahalaan ang mga negosyante kasama ang maliliit na traders dahil isa ang mga ito na tumutulong sa pagpapasigla sa ekonomiya ng lungsod at paghahatid ng magandang serbisyo sa QCitizens.

 

See more>>